Serbey

posted on www.sinelas.blogspot.com on 30 August 2009

—————————-

Nawala ko yung listahan ko ng mga kakaibang bagay na maaring sumisimbolo sa ating mga Pilipino. Nagawa ko yung listahan na yon sa pangangalap ng impormasyon mula sa mga taong nakakasalamuha ko. Mula sa estudyante, kasamang guro, mga kaibigan, at mga kasama sa trabaho. Nangalap ako ng impormasyon sa pamamagitan ng Serbey.

Ngayon ay malawak na ang kaalaman ng Pilipino tungkol sa serbey, salamat sa pulitika, sa GMA 7 at ABSCBN 2, sa mga produkto, sa mga istasyon ng radyong FM, at iba pa. Dahil sa kanila ay mulat na ang isipan natin sa konsepto ng serbey at kung ano ang silbi nito sa ating lipunan.

Ang serbey na politkal ay ang resulta ng sistematikong pagtatanong sa mga taong sakop ng demograpiya ng eleksyon, kasama nito ang edad, at ang sosyal na katayuan. Sa pagtatanong sa eksaktong bilang ng tao ay nalalaman ng isang siyentipikong panglipunan (Social Scientist) kung sino ang maaring manalo sa susunod na eleksyon.

Ang labanan ng GMA 7 at ABSCBN 2 bilang numero unong istaasyon ng TV ay bunga rin ng serbey ng mga manonood kung aling istasyon ang maraming tagasunod sa mga primerong oras (prime time). Na nakaraan ay nagkaroon ng iskandalo dahil sa akusasyon na nandaya raw ang GMA 7.

Serbey din ang pinagbabasehan ng mga istasyon ng radyo ng nagsasabing numero uno sila sa Maynila..ang totoo nyan, wala akong narinig na nagsabing pangalawa sila, sa 37 istasyon ng radyo sa Maynila, lahat sila nangunguna, kapag pinagbasehan ang serbey nila na may kanya-kanyang pinanggalingan.

Ganun din sa mga produkto, at komersyal na serbisyo.

__________________________

Dati rati ay mga estudyanteng tinatapos yung kursong Intro to research at Research Fundamentals lamang ang may interes sa serbey, ngayon ay maging ang mga nagtitinda ng fishball ay mariringgan mo ng katagang “di naman kami natanong dito sa Pasig ah, saan nanggaling yung resulta na nangunguna raw sa mga Fishball vendor yang LAB RADYO DWXXXX na yan”

Mga katagang ganyan..

O kaya maga katagang, “san na kaya yung serbey form (nasa McDo), biro mo, sabi nila 24 hour sila tapos 8pm pa lang ubos na Chicken Joy nila (sa Jollibee yon diba), pano sila magiging 24 hours, paano kung me umorder ng sangkaterbang Chickenjoy (sa Jollibee ngayon!..) wala silang maihahain.. isulat ko nga sa serbey form nila… (siguro kailangan nya ay complaint form)..

Mga tipong ganyan, edukado na tayo sa serbey, kahit complaint form ang kailangan natin.. adik sa serbey..

__________________________

Suki ako ng serbey nung bata pa ko.

Dahil ang bahay namin ay napapa-gitnaan ng dalawang naglalakihang sari-sari store, ay prospek lagi ang mga nakatira sa bahay namin ng serbey.

“saan kaya nakuha yung konsepto na dahil sa gitna ka ng dalawang tindahan e ikaw ang uunahin sa serbey..?”

Sa kanan ng bahay namin ay tindahan ni aleng Amy, at sa kaliwa naman namin ay tindahan ni aleng Flora, Kailan ko lang nalaman na hindi pala malaki yung mga tindahan nila. Sa akin kase noong bata pa ko eh pag ang tindahan eh me ibang tinda maliban sa tira-tira at sundo’t kulangot eh malaki na yon.. tapos lampas sampu ang naka-display na sardinas.. malaki na rin yon..

Sari-saring produkto ang dumaan sa akin para tikman.. pero ang di ko malimutan eh yung may nagpunta sa bahay na nag-serbey ng produktong ketsap (ketchup)..
Ng kumatok pa lang sa pinto namin yung babae ay parang naamoy ko na serbey yon. Nagpaalam muna yung babae sa Nanay ko kung pede raw akong interbyuhin at patikimin ng mga ui ng ketsap, galing daw siya sa isang serbey na kumpanya at otorisado sila ng isang malaking kumpanya ng ketsap (hulaan nyo… mali.. hindi Del Monte.. basta!). Sumenyas pa ko sa Nanay na ayaw ko.. dahil sigurado mapapako na naman ako sa bahay namin.. (habang ang mga kalaro ko ay naninirador ng maya at umaakyat sa puno ng aratiles sa may Dowell eh nakapako ako sa serbey ng ketsap).

Pumayag ang Nanay.. sigurado mas magaan ang pakiramdam nya na nasa bahay lang ako, tumitikim ng 37 klase ng ketsap mula sa saging at kamatis.. kesa umakyat ng puno, at manghabol ng Maya at Batu-bato.

Preparado at malinis ang mga gamit nung babae, silyado pa nga yung mga ketsap na dala nya. Ngunit walang pangalan o tatak yung mga ketsap, maliban sa mga letra o numero. Ang nakaimprenta sa pakete ay A, merong B, merong 123, merong C, merong 143, merong 143-5254 (oops parang me meaning yon ah).. basta letra at numero lang..

Nakasimagot man ako.. walang magawa yung magandang babae na kausap ko.. alam nya di ko gusto yung ginagawa ko..

Preparado rin yung babae sa mga gagamiting yang pagakain na isa-sawsaw sa ketsap. me dala siyang sari-saring pagkain na maaring isawsaw sa ketsap.. lahat na yata ng pwede iprito eh meron sya.. ang kulang na lang eh piniritong bakla.. (magagalit sa akin ang grupong ladlad nito).

Kung walang magawa yung babae dahil ayaw ko yung ginagawa ko.. wala rin akong magawa dahil ayaw ng Nanay na umalis ako at sumama sa tropa ko..

Ito ang nadiskubre ko ng mga lumipas na panahon.. yung ilang tinikman kong uri ng ketsap nugn grade 4 pa ko eh nabibili na sa mga tindahan, di ko malimutan yung lasa, at siyempre yung magandang babae maganda mata nya).. di ko pwedeng kalimutan yung araw na yon.. dahil noong araw na yon, ay hindi lang umakyat ng puno ng aratiles at nanirador ng Maya at Batu-bato yung mga tropa ko, nanghuli pa sila ng hito at dalag dahil me kasama silang grade 6 na taga ilog.. (grade 4 lang kami non).

Isa pa.. hanggang ngayon nasa tindahan pa rin yung uri ng ketsap na yon. At namamayagpag pa.. nakasama yung pagsagot ko ng OO (kung masarap yung ketsap) at HINDI (kung hindi masarap yung ketsap) sa mga ginamit nilang impormasyon para malaman ang gustong lasa ng mga bata sa ketsap.

Oops, sabi ko sa yo hindi Del Monte… basta!

Serbey!

__________________________

Minsan may nagpaturo sa akin na mga estudyante sa kanilang Advertisng subject (hindi sila mga taga FEU na estudyante ko). Mga taga-ibang pamantasan sila. Nagpatulong sila sa kanilang proyekto sa Advertisng, kailangan daw nilang gumawa ng isang advertisement (patalastas) para sa kanilang finals. At ang napili nilang gawaan ng patalastas ay “Goldiblocks.(katunog ba?)”

Pagkatapos kong antukin sa sangkaterbang kwento ng lider ng grupo, tinanong ko kung me serbey na sila.. ang sagot sa akin ng mga estudyante ay proud na “wala.”..
Kalbong mang Inggo.. yun naman ang sagot ko sa kanila..

Isa pang tanong.. natapos/nakuha nyo na ba yung kurso/subject na Intro to research, o kaya yung Fundamentals of Research, o kahit Advertising o Marketing Research man lang.. at ang sagot nila ay proud uli na “hindi pa.” Kalbong mang Inggo uli.

“Tinanong ko uli sila, saan nyo ibabase yung gagawin nyong patalastas ng Goldiblocks?” sagot nila ay sa naisip nilang konsepto..

Gusto ko sanang sabihin sa kanila na pumunta kayo sa dean nyo, pabago nyo yung kurikulum nyo.. dahil hindi pwedeng unahin yung kursong Advertising Presentation , kung hindi pa nakukuha yung mga kursong tungkol sa pundamental ng pagsasaliksik (Intro to research, este Fundamentals of Research)..

Pero di ko ginawa yon.. Binigyan ko na lang sila ng konting insruksyon na gumawa ng maliit na serbey, kahit mga 10 tanong lang… at kailangan ng ng hindi bababa na 100 katao ang sasagot ng serbey mula sa “target market” nila.. (demography, age, sex, location, social status, eklabu, mga ganung epek)…

Isa sa mga tanong na isinama ko ay ang pagpili ng kanilang respondent sa 2 konsepto ng patalastas ng gusto nilang gawin.. kung ano ang mas epektibong konsepto ng patalastas ng Goldiblocks.. para hindi sila ang magdesisyon. Kung anong konsepto ang epektibo.. kundi yung 100 tao na respondent nila..

Di na nagtanong uli yung mga estudyante, wala na akong narinig mula sa kanila.. siguro ay pakiramdam nila eh mas pinahirapan ko pa sila..ngunit ayaw ko namang umayon sa maling direksyon ng maga bata..

Dati kase ay madalas akong makasama sa panel ng jury sa Thesis presentation. At importante sa akin ang tinatawag na “sources” maaring Serbey o Review of Related Literature man yan.. Madalas ang unang hinahanap ko sa gawa ng mga estudyante ay yung “pinagmulan ng impormasyon nila”

Pasensya na.

Adik lang sa Serbey..

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: