Araw ng mga tatay

posted on www.sinelas.blogspot.com 17 June 2010

——————————

Isang mapagpalaya at masayang araw ng mga ama. Sa mga kasama ko sa trabaho at mga kaibigan ko. Walang katumabs yung pag-gising mo ay merong magssabi sa yo na “Love You Tatay.”

_______________

Ang tawag s akin ng aking dalawang anak ay “Tatay”. Hindi “papa o daddy”.
Sabi ko kay Sofia at Luisa, isa akong tagalog. Tatay ang ginagamit ng mga tagalog bilang titulo ng pagiging ama.

Noong bulol pa nga si Sofia ay Tatay Totoy ang tawag nya sa akin, di nya mabanggit yung “Cocoy”

_______________

Kanina ko lang uli nakita si Kris, yung bagong tatay ngayon s British School Manila. Minsan na kaming nag-usap tungkol sa pagiging ama. Buntis pa lang ang misis nya noon, dahil kailan lang pinanganak ang panganay nila. Pagkatapos ng ilang taong paghihintay.

Sa minsanang pagsasalubong namin ni Kris ay ako ang laging nagmamadaling kumilos, siya naman ay laging me oras para sa kaunting kwentuhan at kumustahan. Ngunit iba s’ya kanina. Maitim ang ilalim ng mata, buhok na di masyadong nasuklay, at medyo nagmamadaling mga kilos ni Kris ay nagpapahiwatig na marami syang ginawa nakaraan, at marami pang gagawin. Malayo sa karaniwang itsura niya, dahil laging maayos ang buhok niya, at nakaka-engganyo ang pagiging mahinahon n’ya sa bawat oras na makita ko sya.

Ngunit sa larawan nyang pagod ay nandoon din yung kasiyahang walang katumbas na salita. Iyon sigurado ay dahil sa isa na siyang ama. Sa mga binata na kaibigan ko, ipagpaumanhin nyo ngunit kahit na anong paliwanag ko ay di nyo maiintindihan ang pakiramdam.

Nung huli ko syang nakausap ay pinag-usapan namin yung hinaharap nyang responsibilidad bilang ama. Tinanong nya ko kung anong pakiramdam ko noong una kong nalaman na magiging ama na ko, at noong makapanganak na ang misis ko. Dalawa ang naalala kong sinagot ko sa kanya.

Masaya at nangangamba.
Masaya dahil nakaraos ang misis ko sa panganganak. Bagamat malayo na ang narating ng siyensa, me mga insidente pa ring nagkakaproblema ang babae sa panganganak kahit regular ang pagkonsulta sa doktor. Pangalawa ay normal at maayos ang bata. At isa na akong ama.

Meron ding malaking pangamba sa akin noon. Isa na akong ama, ang ibig sabihin ay maliban sa misis ko na pangunahin kong responsibilidad sa Diyos at sa tao, ay meron pang isang tao na nabubuhay na ang magiging hulmahan para mabuhay ng maayos ay ang kanyang ama. Isa ka ng ama, ibig sabihin meron ka ng mas higit na dahilan para magsumikap. Higit pa doon ay lalaking me pag-uugali na gagayahin sa ama ang aking anak, ang tanong ko ay maganda ba akong halimbawa. At mga responsibilidad ang naisip ko. Pagkain, bahay, pag-aaral, at kung anu-ano pa.

Patawarin ako ng Diyos, ngunit di ko naalala noong oras na yon na meron pala kong Ama na may likha ng lahat. Lahat ay galing sa kanya.

Maaring di ako nakikita ng pamilya ko na nananalangin ngunit halos oras-oras ay nananalangin ako sa aking Ama sa langit. Madalas kong sabihin ang katagang “konting tulong Ama”, “Ama, anong susunod, ano gagawin ko”, at yung pinakamadalas kong sabihin “Ay, Salamat Ama.”

_______________

Maliban sa aking ina, na siyang “nanay at tatay” sa bahay. Dahil 9 na taon lang ako nung namatay ang tatay ko. Merong ilang tao na tinuring kong tatay, dahil marami silang impluwensya sa buhay ko.

Ang lolo ko ay malaking impluwensya sa aking pag-aaral. Kada darating ang “grading period” at lalabas na ang “card” ay tinatanong ako noon kung ano ang naging marka ko, kumpara sa huling bigayan ng marka. Siya rin ang nang-impluwensya sa akin na kapag merong pagsusulit at isulat ko yung mga bagay na gusto kong maalala bilang “pag-re-review”, dahil habang sinusulat daw yung mga salita at terminolohiya ay nagagawa ng utak na makabisado, at saka yung pagtulog nga maaga, at pag-gising din ng maaga pag me pagsusulit. Maliban sa pag-aaral ay naimpluwensyahan din ako ng lolo na bigyan ng importansya ng pag-lalaro. Ang panonood noon ng larong baseball ang kinalibangan ng lolo, kaya nahilig din ako sa baseball. Pati pagpapalipad ng saranggola, at paghuli ng gagamba at salagubang sa bukid.

Ang pastor noon ng born-again church na pinanggalingan ko ay malaking impluwensiya din sa akin.

Yung kapitabahay namin na magaling mag-drawing ang naka-impluwensya sa akin na maging interesado sa “biswal na sining”

Karaniwan ang mga ugaling ganito ay kinukuha ng mga kabataaan sa ama. Ang haligi ng tahanan ay siya ring molde ng tahanan. Pagdating nga araw, gagawa ng sariling molde bilang tao ang ating mga anak, ngunit kapag maganda ang pinanggalingang molde ay siguradong mas maganda ang malilikha nila bilang tao.

_______________

Kay Kris, kay Anthony, kay Boyet, kay Bhong, kay Jun, sa kapatid ko na si Atong, kay Edgar na pinsan ko, kay bayaw Cris, kay Nato, Itok, Gerry, kay “tatay” na mister ni mami Maris, kay mang Danny (security), sa lahat ng ama sa BSM… sa lahat ng kaibigan ko na ama na rin.. Isang mapagpalayang araw ng mga ama sa inyo. Maaring di na natin magawang magpalipad ng saranggola o manghuli ng gagamba at salagubang dahil naiba na ang panahon. Anumang maganda at maayos na laro ay pahahalagahan ng mga anak natin dahil ang importante ay kasama nila tayo.

Ang totoo nyan, pati pagbili ng pandesal sa malapit na panaderya ay nagiging mahalaga sa mga bata basta ang tatay ang kasama nila.

Tatay ang tawag sa akin ni Sofia at Luisa. Isang napakagandanmg titulo. Kahit walang MA, MD, ATTY, o ENGR sa dulo o unahan ng pangalan ko.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: