Si Dado, Janitor at ang Unyon

Pagkatapos ko ng high school noon ay hindi agad ako nag-aral sa college. Nagtrabaho muna ako sa isang patahian ng jacket. Dahil wala namang pampa-aral ang magulang ko sa akin ay nagtrabaho muna ko. Nasabi ko na siguro sa ibang sulat sa blog na to na 9 na taon pa lang ako ng mamatay ang tatay.

Di ko naman masisi ang nanay na hindi ako makakapag-aral. Ang totoo nyan masaya na ako kung talagang magta-trabaho na ako noon at makakatulong sa pamilya ko. Ang kuya ko at ate bebi ko ang nagtatrabaho sa amin noon para matulungan si nanay. Ang nanay ko kase ay may matinding rayuma na halos di na nya maikilos ang mga tuhod nya.

Trabaho na rin ako. Nagawa akong ipasok ni ate Bebi ko sa isang patahian. Line leader sya sa patahian na yon. At nangailangan ng tao sa finishing at packing department. Ang ganda ng tunog, finishing at packing department. Ang trabaho ko doon ay taga-lagay ng jacket sa plastic. Nakakatuwa ang sahod ko noon, Php51 kada araw (minimum ay Php105). 10 na oras na trabaho (na dapat ay 8), Walang SSS, walang Medicare (Philhealth na ngayon), at isipin nyo kung ilang taon lang ako noon – 15 lang ako noon. Kung payat ang tingin nyo sa akin ngayon, ay iisipin nyo noon na malnourished ako noon. Maliit at mas manipis pa ang katawan ko noon.

Ang mga jacket na tinatahi sa pabrika na yon ay pinadadala sa ibang bansa. Panahon noon ng malakas ang order dahil magpa-pasko, kaya kayod kalabaw ang mga mananahi at lahat ng trabahador sa pabrika.

Nakilala ko si Dado sa pabrika na yon. Si Dado ay yung bikolano na utility man, at janitor sa pabrika na yon. Maliit, ngunit maliksi. Mabait pero malalim. Sa siyam na buwan kong nagtrabaho sa patahian na yon, ay hindi ko nakitang naging pang-araw si Dado. Huli ko na nalaman kung bakit.

Hindi lang sa finishing at packing department ang trabaho ko. All around ako noon. Kapag walang maisama sa delivery at kailangan mag-deliver sa Parañaque ng mga tapos ng produkto ay kasama lagi ako. Pahinante. Sa payat at liit ko noon ay hindi nyo iisiping pagbubuhatin nila ako ng mabibigat na pakete ng mga jacket. Pero, ok lang sa akin noon. Si Dado ang lagi kong kasama pag natataon na pang-gabi ako. Dahil umiikot ang oras ng trabaho. Me panahon na pang-araw at pang-gabi ako.

Lumipas ang panahon at natapos ang kapaskuhan, natapos din yung malakas na order ng jacket. At kailangan nilang magtanggal ng tao. Isa ako sa mga nangungunang kandidato. Una dahil saling-pusa lang ako, 15 anyos lang ako noon. Pangalawa ay hindi na kailangan ng hihigit na 3 tao sa finishing department. Sunod lang sa agos ng sitwasyon, nangailangan naman sila ng janitor. Naging janitor naman ako. Hahaha. Minsang kinuwento ko yon sa isang estudyante ko sa FEU ay hindi siya makapaniwala. Hindi ko iyon kinakahiya. Ang totoo nyan masaya ako na naging janitor ako minsan, at masaya ako pag kinukuwento ko iyon. Minsan nagtataka ang ilang kakilala ko na malapit ang loob ko sa mga utility man, janitor o mga maintenance people sa kahit saan ako nagtrabaho. Ay dahil kaisa nila ko. Naging construction worker din ako. Hahaha.. pero hindi na siguro tamang isama ko pa ang kwentong yon sa blog na to.

Sa patahian na yon. Gaano man ka-simple ang trabaho ng janitor o mga utility man ay me diskarte din na dapat gawin para maging episyente sa trabaho. Si Dado ang nagturo sa akin noon. Isa pa, maraming amo kapag janitor ka. Yon ang sabi ni Dado sa akin. DI ko malimutan minsan na walang pera si Dado, at wala siyang pang-kain. Ang ginagawa niya ay umiinom na lang siya ang tubig sa gripo. Busog na raw sya non. Pilit ko syang binibigyan ng pambili ngunit ayaw nyang tanggapin. Huli ko na rin nalaman na papasok at papauwi sa trabaho ay naglalakad lang si Dado. Bagamat hindi rin malapit ang tinitirhan nya.

Bigla na lang nawala si Dado sa trabaho namin. Nabalitaan ko na lang na tinanggal na siya. At ayon sa sarili kong intelligence report – ang me unang kinalaman ay yung Manager ng kumpanya na si Zoila. Si Zoila yung pa-seksi effect na Manager ng patahian. Ang totoo nyan di sya seksi, mataba siya.

Bago natanggal si Dado ay me mga naririnig akong mga mangyayari na isa sya sa nangunguna. Magkakaroon ng strike. At isa sya sa mga nakikiisa sa unyon na binubuo sa kumpanya. Magulo noon sa kumpanya. Bagamat nagtatrabaho na ako noon, ay hindi ko nauunawaan ang mga bagay na katulad ng pinaglalaban nila. Huli na ng maintindihan ko ang mga bagay na pinaglalaban ng mga manggagawa. Alam ko underpaid ako, pero ok lang dahil under-age at under-experience din ako noon. Noong mga panahong ding iyon ay merong pinapirmahan sa akin na huli ko na lang din nalaman na pagkontra iyon sa kilos ng Unyon. Isa akong eskirol! Naunawaan ako ng mga kasama ko. Walang-bisa ang pinapirmahan sa akin dahil di naman ako regular. Isa pa, under duress daw yung nangyari.

Kung mayroong iniiwasan ng lubos ang mga me ari ng kumpanya ay ang pagkakaroon ng unyon ng manggagawa sa kanilang kumpanya. Tinutubuan ng galis ang mga kapitalista pag narinig nila ang salitang unyon, lalo na pag nasa loob ng kumpanya nila, lalo na kapag nalaman nilang me partisipasyon si Popoy Lagman[1]. Ang mga panahong iyon ang may pinakamaraming labour strike sa kontemporaryong kasaysayan natin. Patapos na ang termino ni Pangulong Cory Aquino, ngunit ang sektor ng mga manggagawa ang isa sa pinaka-napabayaang sektor sa lipunan natin. Kaya kahit na anong pagmamalaki natin na tayo ang nagpasimula ng Peaceful Revolution na katulad ng sa EDSA ay parang laging nakayuko ang Pilipino kahit saan magpunta. Iyong panahon ding iyon ang panahon na napakaraming Pilipino ang lumabas ng bansa para magtrabaho bilang DH samantalang guro sila sa sariling bansa.

Nasaan na kaya si Dado, sana lang nakakita siya ng mas maayos na trabaho dahil masipag at episyente syang magtrabaho. Kahit kalian di nag-reklamo ang mga supervisor noon sa patahian na yon tungkol sa kondisyon ng banyo, at sa paligid.

Ang mga unyon, kahit hindi na masyadong maingay ngayon ay ramdam pa rin natin na hindi pa rin maayos ang kondisyon ng mga manggagawa. Magkano ba ang minimum na pasahod ngayon. Ang sabi ng isang pag-aaral ay dapat ang sahod ng manggagawa sa atin ay hindi dapat bababa ng 19,000, ngayon ay lampas lang sa kalahati nyan ang sinasahod ng ating mga manggagawa. Marami pa sa mga manggagawa natin ay kontraktwal.

Sa mga kaibigan kong janitor at utility man. Mabuhay kayo!


[1] Kung masyado pa kayong bata at hindi nyo kilala si Popoy Lagman, siya yung lider ng mga BMP (Buklurang Manggagawang Pilipino) na pinatay sa harap ng Bahay ng Alumni sa UP Diliman. Kapatid nya yung kongresista ngayon sa isang lalawigan sa Bicol Region.

 http://en.wikipedia.org/wiki/Filemon_Lagman

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: