Pila

Luma na itong post na to. Galing ito sa luma kong blog.. Inilipat ko lang para makasama na sa blog na ito

______________

Posted on http://www.sinelas.blogspot.com/29 October 2008


Pagdating ko sa pilahan ng FX papuntang Pasig nakaraang Miyerkoles ay mahaba na ang pila. Abot na halos sa may pwesto ng Chowking (sukatan ko kase yon ng pila sa Pasig, na kapag umabot o tumapat na siya sa booth ng Chowking eh mahaba na yon para sa akin). Araw-araw tinitiyaga ko ang pagpila pauwi at minsan ay papunta pa lang ng trabaho.

Biyaya ng Diyos ay ‘medyo’ mabilis naman ang takbo ng pila, dahil siguro medyo madalas ang dating ng FX na nakaikot na mula sa Pasig. Bagamat medyo mabilis ang takbo ng pila ay hindi rin ito umiiksi, dahil yung oras na iyon ay uwian ng tao na galing trabaho, eskwela, o sa kung saan man sila galing. Malapit na ako sa dulo ng may dumating na grupo ng tao.

Anim sila sa grupo; 3 matanda (tantsa ko ay mga 75+ ang edad nila), 2 na ang edad ay 40+ lang at na ang isa ay may kalong na sanggol na tila 1 buwan ang edad. Ang higit kong napuna ay yung sanggol, dahil siguro sa me anak na ako ay una kong napapansin ang mga abata sa anumang grupo ng tao. Walang magawa ang grupo (maaring pamilya) na iyon kundi ang pumila mula sa dulo. Dahil iyon ang sistema sa pilahan.

Animo sinasadya ng sitwasyon biglang bumagal ang pagdating ng FX. Lalong humaba ang pila.

Naawa ako sa sanggol dahil sa ang lugar na pinipilahan namin ay mausok at mainit, ganun din sa 3 matatanda (2 ay babae) na kasama sa grupo. Nilapitan ko yung barker sa pilahan ng Pasig, na kung maari ay kausapin yung mga tao na kung sakaling may dumating na Fx ay baka maaring paunahin na yung grupo dahil sa kasama nilang sanggol at 3 matatanda.

Nagsasalita pa lang ako sa barker (tagatawag at tagayos ng pilahan sa FX at jeep), ay narinig ako ng ilan sa mga nakapilang tao na malapit sa akin. At una kong nakita ay ang simangot ng isang babae at lalake na maaring magkasama. Ginawa ng barker na ipaalam sa mga tao yung suhestiyon ko ngunit kapwa kami bigo na kunin ang konsensus ng mga nakapila na dapat na ngang mauna yung grupo na yon dahil sa kalagayan nila.

Wala akong magawa. Ng oras na iyon ay pagod din ako sa trabaho. ngunit yung pagod na nadarama ko ay biglang parang naging katumbas ng 2 araw na tuluy-tuloy na trabaho na walang pahinga. Bumigat ang pakiramdam ko at halos naluluha ako sa pakiramdam ko. Gusto kong unawain yung lahat ng tao na nakapila dahil siguro sa pagod na rin sila at gusto na rin makauwi, at maaring nata-tae pa yung iba na hinahabol ang oras na makauwi agad, o maaring me laro ang Ginebra kaya gusto na nilang makauwi.

Di naman tayo ganun dati ah. Tinuturo pa ba sa eskwela yung magandang asal.

Di naman tayo ganun dati ah. Me panahon pa ba ang mga magulang na sabihan ang mga anak nila kung anu ang mainam at masama. O masyado na tayong naimpluwensiyahan ng Kanluraning kultura na maging materyalismo, at maka-sarili.

Ano na kaya ang nangyari sa atin. nakasakay na ako sa FX ay iyon ang tinatanong ko sa sarili ko. Inisip ko tuloy ang anak ko, na kung kasama ko siya ng oras na iyon ay maaring tingnan ako sa mata at pilitin akong ipaliwanag yung nangyari na bakit di namin nagawang mag-sakripisyo ng ilang minuto para paunahin yung grupo ng matatanda at sanggol.

Paano ko kaya ipapaliwanag yon sa anak ko.

Kapag kase may pagkakataon ako na kausapin yung anak ko ay sinasabihan ko siya na walang pinakamainam na katangian ng tao ay yung maging mabait at mapagbigay. kapag pinapaliwanag ko iyon sa kanya ay tinitingnan ako ni Sofia sa mata. Maaring tinitingnan niya kung sinsero o totoo ba ako sa sinasabi ko.

Inisip ko na lang na siguro ay napasabay lang ako ng oras na iyon sa mga taong gusto ng makauwi dahil nata-tae na silang lahat. Kase mukhang mas mabahong isipin na di namin nagawang pasakayin yung grupo na mas pangangailangan sa amin ng oras na iyon.

O siguro talagang wala na tayong konsepto ng sosyalismo na talaga namang nasa kultura natin dati.

“Anumang bagay, ayon sa iyong kakayanan.
Para sa kaninuman ayon sa kanilang pangangailangan.”

“Anything according to your ability, to anyone according to their need.” – Karl Marx

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: